"Programang K-12, Daan nga ba sa Pag-unlad ng Sistema ng ating Edukasyon?" (Sanaysay)
"Programang K-12, Daan nga ba sa Pag-unlad ng Sistema ng ating Edukasyon?"
Ang kasalukuyang umiiral na sistema ng edukasyon sa Pilipinas ay ang K-12 Basic Education Program na pinagtibay ng The Enhanced Education Act of 2013 o Republic Act No. 10533. Ayon sa Departamento ng Edukasyon, ang programang ito ay naglalayong, una, mapagtibay ang pundasyon ng edukasyon ng mga bata sa Kindergarten. Sa simula pa lamang ng pag-aaral ng mga bata ay dapat matibay na ang pundasyon nito na kung saan natututo ang mga bata sa pagsulat ng alpabeto, pagbilang, mga hugis, at iba pa. Sa paraang ito, sa murang edad pa lamang ng mga bata ay mabibigyang halaga na ang pag-aaral. Ikalawa, ang pagbabago sa kurikulum base sa pangangailangan ng mga mag-aaral. Ikatlo, pagiging bihasa sa kanilang sariling wika. Sa unang baitang hanggang sa ikatlong baitang, ginagamit nila ang kanilang mother tongue sa pagtuturo ng kanilang asignatura sapagkat sa paggamit nito mas natututunan at naiintindihan ng mga mag-aaral ang konsepto ng kanilang asignatura gaya ng "addition at subtraction". Ikaapat ay ang spiral progression, ayon kay Jerome Bruner, "curriculum should be organized in spiral manner so that the student continually builds upon what they have already learned". Ikalima, ang pagiging handa ng mga mag-aaral (Senior High) sa larangan na kanilang pipiliin sa kolehiyo. At ang huli at pinakaimportante sa mga layunin ng K-12 ay ang pakikipagsabayan sa global standards ng edukasyon. Kung ito'y ating susuriin ng mabuti, sadyang napakaganda ang adhikain ng K-12 program ngunit ang tanong, handa ba ang lahat sa programang ito? Ang mga mag-aaral, magulang, guro, komunidad at ang ating bansa? Hindi ba masyadong maaga ang pagimplementa ng bagong programang ito? Sapat ba ang programang ito sa pagkamit ng mataas na ekonomiya at pagunlad ng ating bansa?
Ayon kay Senator Trillanes, "Mas makabubuti sa ating bansa kung hindi muna ipatutupad ang K-12 Program hanggat hindi pa nasosolusyonan ang mga problema sa sistema ng ating edukasyon tulad ng kakulangan sa mga silid-aralan, kagamitan ng mga estudyante at kakulangan sa mga guro at ang kanilang mababang sahod." Sa kadahilanang maging globalisado o makipagsabayan sa ibang bansa, agarang pinatupad ni Dating Pangulong Noynoy Aquino ang programang ito nang hindi inuuna ang mga problema sa sistema ng ating edukasyon kaya ang naging resulta ay ang pagiging hindi handa ng mga mamamayang Pilipino. Ayon sa mga kritiko ng K-12 Program, hindi ang nasabing programa ang magpapaunlad sa pangkalahatang kalagayan ng edukasyon sa Pilipinas. Naniniwala naman ang Alliance of Concerned Teachers na itituon ang programang K-12 para sa internasyunal na pamantayan at pangangailangan at hindi ito ang siyang nakakatulong sa ating sistema ng edukasyon. Gayunpaman, mariin itong tinututulan ng mga kabataan, mag-aaral, guro, kawani, magulang at ng buong komunidad dahil sa kawalan ng programa ng makabuluhang batayan at sapat na paghahanda at panustos ng gobyerno para rito. Sa pag-aaral ng ANAKBAYAN UP LOS BANOS, ang hilaw na pagpapatupad ng K-12 ay maaaring makapagpalala pa ng sitwasyon. Ayon sa DepEd: Una, ang K-12 ang solusyon sa dumaraming bilang ng out-of-school youth. Pero sa katunayan, ang pangunahing dahilan ng pagdami ng out-of-school youth ay ang kakulangan ng pantustos sa pag-aaral. Batay sa pag-aaral ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), tinatayang gagastos ng P12,090 ang bawat pamilya para tustusan ang pag-aaral ng isang miyembro sa bawat karagdagang taon sa K-12. Kabilang sa mga gastusin ang pamasahe, baon, gamit sa eskwela at iba pa kaya mahibirapan ang mga mag-aaral lalong lalo na ang kanilang mga magulang. Ikalawa, solusyon daw ang K-12 sa bumababang marka ng mga mag-aaral sa elementarya at sekondarya ngunit hindi solusyon ang karagdagang taon sa pag-aaral sa humihinang kalidad ng batayang edukasyon sapagkat ang tunay na makakapagpataas ng kalidad ng edukasyon sa bansa ay ang mataas na budget para sa maayos na gamit, libro at iba pang pasilidad, at gayundin ang mataas na pasahod sa mga guro at kawani. Ikatlo, sa pamamagitan ng K-12, hindi na kailangan ng mga kabataang magtapos ng kolehiyo para magkaroon ng trabaho. Sa katunayan, pinaniniwalaang baluktot at elitista ang katwirang ito. Pinapatunayan nito na ang karapatan ng mga kabataang makapag-aaral sa kolehiyo, makapili ng propesyon at magkaroon ng oportunidad para matulungan ang kanilang pamilya na umasenso sa buhay ay itinuturing na pribilehiyo lamang ng may kakayahang makapagbayad ng matrikula sa kolehiyo. At ang panghuli, lubos na ang naging pag-aaral at paghahanda para ipatupad ang K-12 ngayong taon. Kung lubos nang napag-aralan ang paghahanda at pagpapatupad ng Programang K-12, bakit marami pa ring suliranin ang kinakaharap ng Departamento ng Edukasyon tungkol dito? Mananatili na lang ba itong mapabayaan makamit lang ang hangaring makipagsabayan sa mga "first class" na bansa? Tunay bang nakamit natin ang kalayaan kung pilit naman natin niyayakap ang mga kultura at paniniwala ng ibang bansa? Nararapat ba na tawagin tayong tunay na mamamayang Pilipino kung patuloy tayo na maging sunod-sunoran sa ibang bansa? Ang sabi ng nakararami, ang edukasyon ang susi sa kahirapan ngunit bakit ito ngayon ang sanhi ng ating paghihirap?
Ang edukasyon ang nagsisilbing sandata tungo sa ikauunlad ng isang tao, lipunan at ng isang bansa. Nararapat lang na sa pagpapatupad ng mga programa hinggil dito ay mas inuuna ang kapakanan ng mamamayang Pilipino. Hindi dapat ang edukasyon ang magsilbing pasakit ng ibang tao kundi ang solusyon sa tunay na pagkamit ng mga mithiin at pangarap ng Pilipino at ang tuloy tuloy na pag-unlad ng Bansang Pilipinas. Ang Programang K-12 ay sikaping paunlarin na kayang abotin ng sino mang mamamayang Pilipino.
Sanggunian:
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20150621-k-12-makadayuhan-komersyalisado-pahirap-sa-mamamayan/
https://www.google.com.ph/amp/s/anakbayanuplb.wordpress.com/2012/06/11/ilang-mahahalagang-punto-laban-sa-programang-k-12-ng-administrasyong-aquino/amp/
http://k12kurikulum.blogspot.com/2014/09/ano-nga-ba-ang-tunay-na-layunin-ng.html?m=1
https://www.google.com.ph/url?sa=t&source=web&rct=j&url=http://pinoyweekly.org/new/2015/06/kung-bakit-hindi-mapapaunlad-ng-k-to-12-ang-edukasyon-sa-pilipinas/&ved=0ahUKEwiT1f_bwZ_WAhXCu7wKHfMwBF4QFgg3MAQ&usg=AFQjCNGMaL1-sbZwdMbGlemPuWhcZ-pBGA
Comments
Post a Comment